Wednesday, November 20, 2013

Mangosong, Saulog wagi sa Motocross

Itinala ng ipinagmamalaki ng Mindanao na si Rhoell “Bornok” Mangosong ang matinding upset kontra sa beteranong si Glenn Aguilar sa Pro Open category upang angkinin ang korona sa pagtatapos ng 2013 Phoenix Motocross Series noong Nobyembre 10 sa MX Messiaha Fairgrounds , Club Manila East sa Taytay, Rizal.



“Iniaalay ko po sa kapatid ko ang panalo,” sabi lamang ni Mangosong, na mula sa angkan ng mahihilig sa motorsiklo at nagawang iuwi ang unang titulo sa pagdalo sa lingguhang PSA forum sa Shakey’s Malate kasama ang iba pang nagwagi na sina Pia Gabriel, Jacob Orbe, Janelle Saulog at organizer na si Sam Tamayo.


Ang panalo ay nagsilbing alay ni Mangosong sa mas nakakabatang kapatid na si Atong na naaksidente sa ginanap na karera sa Mindanao nito lamang Marso at naging inspirasyon nito tungo sa pag-uwi ng premyo na P16,000 cast at P30,000 halaga ng Dan’s Bike Shop product at Phoenix Cyclomax Tritan lubricants.


Nagawang makipagsabayan ng 22-anyos mula South Cotabato na si Mangosong kontra sa 14-beses naging Rider of the Year na si Aguilar na ikalima at huling leg ng labanan kung saan sa huling rampa ay sumemplang ang huli upang habluting ang titulo. Unang nagwagi sa tatlong sunod si Aguilar bago nagwagi sa huling dalawa si Mangosong.


Napunta kay Aguilar ang P20,000 na premyo matapos pumangalawa habang ang magkapatid na Rellosa na sina Enzo at JC ay pumangatlo at ikaapat para sa P14,000 at P12,000 premyo.


Winalis naman ni Jacob Orbe na mula sa Far Eastern University-Makati ang sinalihang limang leg na serye kontra sa anak ni Glenn Aguilar na si MacLean sa Pro Lites division para sa korona. Iniuwi naman ni Aguilar ang Kids Seniors Overall crown.


Binigo naman ng lady motocrosser na si Janelle Saulog, anak ng popular na rider na si Jovie Saulog, ang matinding hamon matapos na magtabla sa 2-2 panalo sa leg ni Pia Gabriel sa ikalimang leg sa Ladies Open category habang iniuwi ng KTM na si Troy Alberto ang kids junior category.


Ang iba pang nagwagi ay sina Jay Lacnit (Executive category), Dexter Bacabac (Veterans category), Bryant Villaroman (Pro Open Underbone) at si Neil Lim (Local Enduro at Amateur Open Production). – Angie Oredo


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Mangosong, Saulog wagi sa Motocross


No comments:

Post a Comment