Sunday, November 10, 2013

Mahirap iwanan ang OPM —Yeng Constantino

Ni Reggee Bonoan


YENG Constantino MATAGAL na naming napapansin na may konting hawig si Yeng Constantino kay Maja Salvador na madalas naming nakakaligtaang sabihin kapag nakakaharap namin ang singer.


Last week, natiyempuhan namin ulit ang anggulong kamukha ni Yeng si Maja habang naka-side view at kulut-kulot ang buhok sa poster na naka-display sa presscon para sa upcoming concert niyang Plugged-in: Yeng Constantino Birthday Concert— gaganapin sa Samsung Hall, SM Aura Global City, Taguig sa Nobyembre 30—at binanggit namin kay Yeng na napangiti.



“Talaga? Kamukha ko?” kaswal niyang sabi sa amin na ginantihan namin ng, ‘Ginagaya mo yata?’ “Hindi naman,” aniya.


Type rin ba niya ang type na guys ni Maja pagdating sa lovelife?


“Ay, hindi ko type! May type na ako, eh,” mabilis na sagot ni Yeng.


Bongga, halos lahat type si Gerald Anderson dahil guwapo, mabait at sikat, pero laos siya kay Yeng, ha-ha-ha. I’m sure ganu’n din naman ang aktor dahil may Maja na ito.


Astig ang dalagang taga-Montalban, Rizal dahil na-conquer na niya ang Asian countries (Singapore, Taiwan, Hongkong at Japan) bilang ambassadress ng Academy of Rock School of Music. Naimbitahan na rin siya sa Silvermine Bay Music Festival

sa Lantau Island, Hong Kong.


Nagustuhan kasi ng may-ari ng AOR na Singaporean ang kantang Salamat ni Yeng at simula noon ay sinusubaybayan na nila ang career ng dalaga hanggang sa imbitahan siya sa isang event at kinuha na nga siyang ambassadress. Pinagawan din siya ng may-ari ng AOR ng sarili niyang guitar line na Yeng Guitar Series na bentangbenta rito sa Pilipinas.


May bubuksang Academy of Rock sa Taiwan ngayong araw (Lunes) kaya lumipad ngayong umaga si Yeng para personal na dumalo sa pasinaya at sa Miyerkules (Nobyembre 13) ay sa Singapore naman ang tungo niya para sa promo ng awiting ini-record niya kasama ang isang Singaporean singer.


“Nag-release kami ng bagong single (Better Than Yesterday) sa Singapore, ginawa ko with the Singaporean artist na si Shseik Haikel na katulong ko sa Academy of Rock sa pag-release ng single at sana po ay magtuluy-tuloy at babalik ako ng Singapore para i-promote ang single at lilibutin namin ang mga radio stations doon,” say ng dalaga.


Maganda ang kanta at tunog foreign.


“Very pop na may kahalong rock at soon po ay maririnig n’yo na rin sa radio stations dito, pero tunog foreign nga po, at isa ‘yun sa ipinagpapasalamat ko kasi nasubok ako ng ibang klaseng tunog,” say ng dalaga. Mapapadalas ang pagdalaw ni Yeng sa Singapore kaya nag-aaral na siya ng Mandarin.


May plano ba siyang iwan ang Pilipinas kapag may mas malaking opportunities sa ibang bansa?


“Sa akin po, mahirap iwanan po ang OPM (Original Pilipino Music), alam naman po na grabe ang heart ko para sa Filipino music. Kaya ko pong pagsabayin ‘yan, creating OPM sobra pong joy sa akin iyon at I don’t think kailangan kong itigil, solid OPM po ako,” katwiran ng Pop Rock Princess.


Ang concert ni Yeng sa Nov. 30 ay produced ng Cornerstone Concerts at Academy of Rock Singapore with major sponsors Crossover Events at Leonard Paris, sa direksiyon ni Ria Villena Osorio with special guests Sesa (side band ni Yeng) at Rico Blanco.


“This is very intimate concert po na gagawin ko para sa mga tagasuporta ko, kasi this is parang tour simula noong bata ako, nagsisimula pa lang ako na sumasali sa mga singing contest—kung ano ‘yung mga kinakanta ko noon, ano ‘yung mga song pieces ko at nagbanda na po ako at nanalo sa Pinoy Dream Academy at naging Pop Rock Princess po ng Philippines.


“Grabe po, sobrang grateful po ako talaga sa nangyari sa akin sa pitong taon ko po sa industriya. At ito lang naman po ang gusto kong gawin na awitan ko ang mga tagasuporta ko sa birthday ko,” nakangiting sabi ng dalaga.


Pangalawang major concert ni Yeng ngayong taon ang Plugged-in: Yeng Constantino Birthday Concert, nauna na ang sold-out concert nila ni Bamboo sa Smart Araneta Coliseum noong Agosto 17 na magkakaroon ng repeat sa March 2014.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Mahirap iwanan ang OPM —Yeng Constantino


No comments:

Post a Comment