Tuesday, November 12, 2013

Looting sa Tacloban, humupa na

Ni Fer Taboy


Kinumpirma kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas na humupa na ang nakawan sa mga establisimiyento matapos na maibalik ang peace and order at dumating ang relief goods na mula sa Metro Manila sa Tacloban City.



Sinabi ni Mar na nasawata na ang looting dahil nakatatanggap na ng maayos na tulong ang mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’.


Nabatid ni Mar na hinarang ang relief trucks sa San Juanico Bridge habang ni-ransack at pinasok ang malls at supermarket

nang dahil lamang sa gutom na nararanasan ng mga taga-Tacloban.


Upang manumbalik ang peace and order sa lugar, nagpatupad ng curfew ang pulisya.


Dumating din kahapon ang may 300 tauhan ng Philippine National Police na siyang nanguna sa kaayusan at katahimikan ng lungsod.


Dahil dito, napigilan na ang pagnanakaw sa Tacloban at untiunti nang bumalik ang kaayusan ng kapaligiran.


Tatlo ang prayoridad ngayon ng gobyerno sa mga lugar sa Visayas na matinding hinagupit ng bagyong ‘Yolanda’.


Matapos maibalik ang peace and order sa lungsod, inaayos naman ngayon ang pamamahagi ng pagkain at tubig at pagrekober sa mga patay na nagkalat sa lugar matapos ang pananalasa ng bagyo noong Biyernes.


Naglaan naman ang pamahalaan ng P1.1 bilyon para sa relief operation at pagsasaayos ng mga nasirang kalsada sa Leyte at Samar. Magkatuwang ang local government at Deparment of Social Welfare and Development (DSWD), sa pangunguna ni Sec. Dinky Soliman, sa pamamahagi ng relief goods na nagmula sa Metro Manila matapos makapasok na ang 40,000 hanggang 50,000 food pack.


Ang food pack ay laan para sa 5 miyembro ng pamilya at ipamamahagi ito sa pangunguna ng mga barangay chairman.


Patuloy ang isinasagawang clearing operation sa mga pangunahing daanan ng sasakyan sa nagdudugtong sa Samar at Leyte.


Nagsasagawa na rin ng mass burial sa mga naaagnas na bangkay na narekober ng pamahalaan dahil sa mabahong amoy na dulot nito.


Inaayos naman ngayon ng gobyerno ang paglilikas ng mga taga-Tacloban na nais magpalipat sa mas ligtas na lugar na tulad ng Metro Manila.


May ilan residente na ang inilipad na sakay ng C-130 at inihatid sa Metro Manila.


Marami sa mga residente na mula sa Tacloban ang nagtutungo sa Catbalogan Samar upang doon bumili ng bigas at palay.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Looting sa Tacloban, humupa na


No comments:

Post a Comment