Friday, November 15, 2013

KUMITIL NG MARAMING BUHAY

Tinatayang hihigit pa sa 10,000 ang mga namatay sa pananalasa ng supertyphoon “Yolanda” sa Visayas, lalo na sa Leyte at Samar. Ang 10,000 biktima ay sinasabing sa Tacloban City, Leyte lamang bunsod ng mga higanteng alon mula sa karagatan na dumaluhong sa mga bahay, paaralan, evacuation centers, airport buildings at iba pa. Ang siyudad ay may 200,000 populasyon.



Nagdeklara si Pangulong Noynoy Aquino ng national calamity matapos masuri ang lawak ng pinsalang dulot ng bagyo na itinuturing na pinakamalakas hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Si “Yolanda” ay tatlong beses diumano

na mas malakas kesa sa hurricane “Katrina” na tumama sa Florida ilang taon ang nakalilipas at kumitil din ng maraming buhay.


Tamang desisyon ang deklarasyon ng pambansang kalamidad upang ganap na makakilos ang pamahalaan at makatulong at makontrol ang situwasyon, tulad ng pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin na posibleng samantalahin ng mga

tusong negosyante.


Ayon sa mga report, may 22 bansa ang nagpahayag ng pagtulong sa Pilipinas. Kabilang dito ang Great Britain na magkakaloob ng 400 milyong piso, New Zealand, Germany, Japan, Australia, at iba pa. Ang P18.2 bilyong savings o natipid ng Aquino administration, calamity at contingency funds ay gagamitin para sa rehabilitasyon at rekonstruksiyon ng mga sinalantang lugar sa Eastern Visayas.


Kabilang sina Pope Francis, Hollywood stars at mga kilalang tao sa mundo ang nagpahayag ng simpatiya, pagmamahal, panalangin at suporta sa mga biktima ng dambuhalang bagyo na nanalasa sa Pilipinas. Sa kanyang Twitter Account, hiniling

ng Santo Papa sa mga mamamayan ng daigdig na ipagdasal ang mga biktima ng supertyphoon.


Samantala, sa kabila ng trahedya at kalamidad na dumalaw sa bansa, dalawang Pilipino naman ang nagbigay-dangal sa bansa. Si Miss Philippines Ariella Arida ay tinanghal na third runner-up sa Miss Universe beauty pageant sa Moscow, Russia at si boxing idol Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. naman ay nagwagi sa Armenian boxer na si Vic Darchinyan.


Tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, ang lahing Pilipino ay tulad ng isang kawayan, yumuyuko sa hampas ng hangin at muling titindig pagkatapos ng unos!


.. Continue: Balita.net.ph (source)



KUMITIL NG MARAMING BUHAY


No comments:

Post a Comment