Saturday, November 16, 2013

KAYGANDANG PANGALAN, KAYBAGSIK NAMAN

Halos 10 milyong Pilipino mula sa Visayas at ilang bahagi ng Mindanao ang apektado ng napakalupit na supertyphoon “Yolanda” na nanalasa, dumaluhong at nagpakawala ng dambuhalang mga alon na kumitil ng maraming buhay at nagwasak ng mga bahay at gusali, puminsala sa mga pananim at ari-arian.



Sa Facebook, hindi ko napigilan ang isulat ang ganito: “Yolanda, kaygandang pangalan, Yolanda, kaybagsik mo naman, nang ikaw dumalaw sa mahal kong bayan, bakit pasalubong, kamatayan, kamatayan?”.


Noong Miyerkules, napalathala na ang United States at Great Britain ay nag-deploy ng kanilang mga warship para magkaloob ng tulong at suporta sa mga lugar na hinambalos ng superbagyo. Malaking bagay na ayuda ito ng US at Britain sa search-and-rescue operations bukod pa sa pagkakaloob ng tulong-pinansiyal, pagkain, gamot atbp sa mga biktima. May mga ulat na maging ang China na kumakamkam sa teritoryo natin sa dagat ay nabagbag ang kalooban sa trahedya na sinapit ng mga Pinoy kung kaya magkakaloob din ng tulong sa Pinas!


Sa tantiya ng mga awtoridad at United Nations, may 600,000 ang nangawalan ng mga bahay na kanilang ipinundar sa loob ng matagal na panahon. May umiiral pang pangamba na mahigit pa sa 10,000 ang namatay sapagkat ang bilang na ito ay sa Tacloban City lang naganap. Maghintay na lang tayo sa opisyal na report ng mga awtoridad.


Di ba noon ay may bagyong “Yoling” na dumalaw at nanalasa rin sa Pinas at puminsala sa mga mamamayan? Ano kaya ang relasyon ni Yoling sa Supertyphoon Yolanda na grabe ang pinsalang minarka sa ating bansa. Sino nga ba ang Tagalog poet na sumulat ng ganito: “Tikatik na ulan at di ang malakas, ang sa isang bato ay nakaaagnas”. Badya naman ni Tata Berto: “”Malakas na ulan, hambalos ng hangin, daluhong ng alon sa mga katihan, ang nakamamatay sa irog kong bayan.”


Habang sinusulat ko ito, hindi pa alam kung gaano ang pinsala ni Yolanda (Haiyan) sa Vietnam na minsan ay pininsala rin ng mga giyera na kinasangkutan ng France at ng US noon. Siyanga pala, salamat kay Pope Francis sa simpatiya, pagmamahal at dasal sa mga biktima at sa donasyong $150,000.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



KAYGANDANG PANGALAN, KAYBAGSIK NAMAN


No comments:

Post a Comment