Monday, November 11, 2013

Ilan sa Tacloban, nababaliw na sa gutom

Dahil sa patuloy na hirap na nararanasan kasunod ng matinding pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’, maraming residente ng Tacloban City ang iniulat na nasisiraan na ng bait.


Ito ang kinumpirma ng high school teacher na si Andrew Pomeda, sinabing ilan sa kanila ay nababaliw dahil sa kawalan nang makakain, sa gitna ng pagdadalamhati sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay at pagkawala ng mga ari-arian.



“Nagiging bayolente na po ang iba sa mga residente rito, dahil namatayan na nga sila ay kapos pa ang pagkain,” sabi ni Pomeda.


Sa ngayon, sinabi ni Pomeda na marami nang establisimyento, gaya ng mall, tindahan at gasolinahan, ang puwersahang pinapasok at ninanakawan ng mga nagugutom na residente.


“Natatakot po kami na kung tumagal pa ang ganitong sitwasyon ay baka humantong na sa pagpapatayan ang mga tao dahil sa agawan ng pagkain,” sabi ni Pomeda.


Nagpahayag na rin ng pagkabahala ang Philippine National Police (PNP) sa lumalalang nakawan at tensiyon sa Tacloban City, na isa sa malubhang napinsala ng bagyo.


Sinabi ni PNP-PIO chief Senior Supt. Reuben Theodore Sindac na malaki ang pangangailangan sa pulis sa Eastern Visayas dahil halos wala nang pulis na nagre-report sa mga himpilan ng Police Regional Office (PRO)-8 sa mga nabanggit na lugar, dahil maging ang mga ito ay naapektuhan ng bagyo.


Malaking balakid din sa operasyon ang kawalan ng komunikasyon at kuryente.


Nauna nang itinalaga sa Tacloban City at Ormoc City sa Leyte at sa Capiz ang 466 na operatiba ng PNP-Special Action Force para tumulong relief at retrieval operations. – Beth Camia at Fer Taboy


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Ilan sa Tacloban, nababaliw na sa gutom


No comments:

Post a Comment