Saturday, November 16, 2013

HINDI MAITATAGO ANG KATOTOHANAN

Kahanga-hanga ang pag-amin ng isang tagapagsalita ng administrasyon hinggil sa kakulangan o palpak na pagsaklolo sa mga biktima ng kalamidad, lalo na yaong mga sinalanta ng super typhoon Yolanda. Mistulang tinanggap ni Secretary Hermino Coloma, Jr. ang bintang ng sambayanan na malamya ang pamamahagi ng relief goods sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo. Buong pagpapakumbaba naman siyang humingi ng pang-unawa at tahasang ipinahiwatig na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng disaster victims.



Ang pag-amin sa naturang nakadidismayang katotohanan ay kabaliktaran naman ng pangangalandakan ng ilang opisyal ng pamahalaan na sapat, kagyat at sistematiko ang pamamahagi ng relief goods; na ginagawa ng lahat, lalo na ng Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) ang makabayan at makataon tungkulin nito sa panahon ng kalamidad.


Kung ito ay totoo, nagsisinungaling kaya ang taumbayan na walang patumangga sa pagdaing: namamatay na kami sa gutom, winasak ng bagyo ang aming mga bahay, nawawala o nangamatay na ang aming mga kaanak. Hanggang ngayon,

nakatutulig pa rin ang naturang sigaw ng mga binagyo. Mahirap ikubli ang katotohanan mula sa mismong mga nagugutom na mistulang pinababayaan ng mga kinauukulan. Ang naturang mga pagkukulang ng pamahalaan ay mariing kinundena ng international communities.


Tulad ng pananaw ni Coloma, naniniwala ako na sinisikap ng administrasyon na mapunan at malunasan ang nabanggit na mga nagkukulang sa relief distribution efforts. Subalit hindi natin dapat hanapin sa gobyerno ang maagap na pagsaklolo ng pribadong sektor sa disaster victims. Kakambal ng pamahalaan ang pulitika, kaagapay naman ng pribadong sektor ang

tunay na pagkakawanggawa.


Sa lahat ng larangan ng pamumuhay – sa pribadong sektor at lalo na sa gobyerno – hindi maitatago ang katotohanan.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



HINDI MAITATAGO ANG KATOTOHANAN


No comments:

Post a Comment