Tuesday, November 12, 2013

Green, Parker, namuno sa panalo ng San Antonio vs Philadelphia

PHILADELPHIA (AP)- Umiskor si Danny Green ng 18 puntos, habang nagtala si Tony Parker ng 14 upang irolyo ng San Antonio Spurs ang magaang na 109-85 victory kontra sa Philadelphia 76ers kahapon.


Taglay sa ngayon ng defending Western Conference champions ang 7-1 panimula matapos ang magkasunod na pagwawagi sa New York at Philadelphia.



Nagposte si Evan Turner ng 20 puntos habang nagsalansan si Spencer Hawes ng 17 para sa Sixers, ‘di nabigyan si coach Brett Brown ng magandang effort sa kanyang unang pagmamando laban sa dati niyang koponan.


Namalagi si Brown ng 11 taon sa San Antonio, kasama na ang pito bilang assistant ni Gregg Popovich at nagging bahagi ng koponan para sa apat na kampeonato.


Hindi rin kinailangan ng Spurs si Tim Duncan, binigyan ng pagkakataon upang magpahinga matapos ang ikalawang back-to-

back games.


Ang surprising Sixers ay 4-4 sa ngayon, malayo sa inaasahang magandang panimula. Ayon sa prediksiyon ng odds makers na magwawagi sila na mas mababa sa 17 mga laro sa season.


Inasinta ni Duncan, ang three-time NBA Finals MVP, ang 11 puntos at 10 rebounds mula sa kanilang 120-89 panalo sa Knicks sa Madison Square Garden noong Lunes.


Naimintis ng Sixers ang unang pitong baskets, habang isinara ng Spurs ang unang quarter na taglay ang 14-0 run upang kunin ang 31-13 lead. Pitong players ang umiskor sa San Antonio sa opening 12 minutes, at iyon na ang naging panimula ng kanilang magandang laro.


Ngunit naimintis naman ng Spurs ang unang pitong buslo sa ikalawang quarter, kung saan ay itinarak ng Sixers ang 10-0 run upang kubrahin naman ang 31-23 matapos ang 3-pointer ni Turner.


Winakasan ni Boris Diaw ang nasabing run matapos ang kanyang layup at hook shot. Humirit din si Green ng 3s upang ipagkaloob sa Spurs ang double-digit lead, 46-34.


Angat sila sa 19 sa halftime at napalawig pa nila ito sa 29 sa kalagitnaan ng third quarter. Ang lahat ng starters ay nasa bench bago ang pagsisimula ng fourth quarter.


Nagtarak pa ang Spurs ng karagdagang 3-pointers (13) kaysa sa free throws (11).


Anim na manlalaro ang umiskor ng double figures sa San Antonio, kasama na si Kawhi Leonard (13) at Marco Belinelli (12).


Naikasa lamang ni rookie Michael Carter-Williams ang season-low 8 points o 2-for-11 sa shooting para sa Philadelphia.


PASAKALYE: Nagkaroon ng ilang bisita si Brown sa kanyang opisina bago ang laro, kasama na si Parker. Nagkaroon ng dinner si Brown kay Popovich at Spurs staff noong Lunes ng gabi. … napag-iwanan ang Sixers ng double digits sa anim na mga laro sa season na ito. … Napagwagian ng Spurs ang huling limang mga laro laban sa Philadelphia. … Ang Spurs ay 4-1 kung saan ay taglay nila ang iskor na lagpas sa 100 puntos.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Green, Parker, namuno sa panalo ng San Antonio vs Philadelphia


No comments:

Post a Comment