Saturday, November 23, 2013

Elasto Painters, lalo pang magpapatibay

Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

3:00 p.m. Alaska vs Barako Bull

5:15 p.m. Ginebra vs Rain or Shine


Ni Marivic Awitan


Maitala ang kanilang ikatlong dikit na panalo na magpapatibay sa kanilang pagkakaluklok sa liderato ang tatargetin ng Rain Or Shine sa kanilang pakikipagtipan sa crowd favorite Barangay Ginebra sa pagpapatuloy ng PLDT myDSLPBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum ngayon.



Sa kabila ng hindi magandang laro na kanilang ipinakita noong nakaraang Biyernes, nagawang lusutan ng Rain or Shine, sa pangunguna ni Gilas reserve player Beau Belga, ang Meralco, 94-89, para sa kanilang ikalawang dikit na tagumpay na naglagay sa kanila sa solong pangingibabaw.


Kabilang sa mga hindi kinakitaan ng magandang laro ang kanilang rookies na sina Raymund Almazan, Jeric Teng at Alex Nuyles.


Sa kanyang unang 14 na minuto sa pro league, walang nagawa ang third overall pick at reigning NCAA MVP na si Almazan maliban sa 2 rebounds.


Nakapagtala naman ng pinagsamang 3 puntos lamang sina Teng at Nuyles, maliban sa 5 rebounds ng huli.


Sa pagkakataong ito, tiyak na aabangan ang magiging match-up nina top pick Greg Slaughter ng Kings at Almazan. Masusubukan kung muling maulit ng dating Ateneo center at Gilas cadet player ang kanyang naitalang 10 puntos at 13 rebounds sa kanyang debut game sa opening day kontra sa San Mig Coffee habang aantabayanan naman ng Elasto Painters fans ang pagbawi ni Almazan.


Gayundin, aasahan ni Kings coach Ato Agutsin na magpatuloy ang kanilang nasimulan na bunga ng kanilang naging team building noong nakaraang pre-season kung saan ang lahat ay sumang-ayon na team muna ang kanilang magiging prayoridad bago ang lahat.


Bukod kay Slaughter, nariyan din ang nagbabalik na si Dylan Ababou na matapos ang halos isang taong pagkawala, dahil sa tinamong ACL, ay nagpakitang gilas at kumamada ng 16 puntos nang ipasok sa second half.


Una rito, mag-uunahan namang makapagtala ng kanilang ikalawang sunod na panalo ang Alaska Aces at Barako Bull sa kanilang pagtatapat sa ganap na alas-5:15 ng hapon.


Nakabangon ang Aces sa kabiguang nalasap sa kamay ng Elasto Painters sa opening day sa Davao City matapos nilang gapiin ang San Mig Coffee noong nakaraang Biyernes sa Cuneta Astrodome sa Pasay City, 84-80, habang naipanalo naman ng Energy Cola ang kanilang unang laro laban sa Air21 Express, 88-75, noong Miyerkules.


“My players just want to prove something and this is just our first game. I believe we’re capable of pulling off some surprises,” ayon kay Energy Cola coach Bong Ramos kasunod ng pagkakalagay sa alanganin ng kanyang koponan sanhi ng pre-season trades na kanilang ginawa, partikular sa nakaraang draft.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Elasto Painters, lalo pang magpapatibay


No comments:

Post a Comment