Friday, November 22, 2013

COMELEC handa na sa Zambo, Bohol elections

TINIYAK ng Commission on Elections (COMELEC) na handang-handa na sila para sa idaraos na special barangay elections sa lalawigan ng Bohol at Zamboanga City sa Lunes, Nobyembre 25.


Ayon kay COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr., naka-ready na ang lahat ng kakailanganin para sa halalan tulad ng mga election paraphernalia, mga polling precinct, gayundin ang mga guro na magsisilbing election staff.


Simula pa kanina ay nagpakalat na rin ng daan-daang pulis ang Philippine National Police, ngunit nilinaw na walang banta sa seguridad ng halalan, at ginawa ang pagpapakalat ng mga pulis para lamang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang special elections.


Nabatid na sina COMELEC Commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph ang mangangasiwa ng special barangay polls sa Bohol habang si Brillantes naman at sina Commissioners Al Parreno at Grace Padaca sa Zamboanga City.


Matatandaang ipinagpaliban ng poll body ang barangay elections sa Bohol na tinamaan ng magnitude 7.2 lindol noong Oktubre 15 habang hindi naman natuloy ang eleksiyon sa Zamboanga City dahil sa sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamumunuan ni dating ARMM Gov. Nur Misuari.


Ang barangay elections sa bansa ay idinaos noon pang Oktubre 28.


The post COMELEC handa na sa Zambo, Bohol elections appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



COMELEC handa na sa Zambo, Bohol elections


No comments:

Post a Comment