Thursday, November 14, 2013

Coach Reyes, nababahala sa Gilas

Sa gitna ng kanilang tinatamasang mga parangal at papuri, labis ang nararamdamang pag-aalala ni Smart Gilas Pilipinas coach Chot Reyes sa kanilang nakatakdang pagsabak sa FIBA World Cup sa Spain sa susunod na taon.


Ito’y matapos na malaman ng Gilas mentor ang pagkakaroon nila ng napakaikling panahon para makapaghanda para sa pagsalang nila sa nasabing world competition. Dahil sa napakasikip na schedule ng PBA sa darating na 2014, mayroon lamang ang Gilas nang halos dalawang linggo upang makapagsanay na magkakasama.



Ito ang nabatid ni coach Reyes kay PBA Commissioner Chito Salud dahil sa tinatayang matatapos ang season sa Agosto 15 sakaling umabot ang finals sa third conference hanggang Game 7.


At ang katotohanan, nakatakdang magsimula ang FIBA World Cup sa Agosto 30.


“The PBA (39th season) will end on August 15. That’s really the only preparation we have before the opening of the (FIBA) world on August 30,” ayon kay Reyes sa isang ambush interview matapos ng ginanap na parangal sa kanila ng mga miyembro ng PBA Press Corps noong Martes ng gabi sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.


“Sinabihan na kami that they (PBA) can’t adjust their schedule so for now, we’re already planning on that fact that we only had two weeks, kasi August 15 matatapos ang Finals ng last PBA conference. That’s two weeks, we’ll see what we can do.”


Sa nakaraang FIBA Asia Cup, nagkaroon ang Gilas ng dalawang buwang paghahanda na nagresulta naman sa kanilang second place finish sa nagkampeong Iran kaya nagawa nilang makapasok at makuwalipika sa FIBA World Cup.


At dahil napakaikli lamang ng kanilang magiging paghahanda, ayon kay Reyes, plano niyang magdaos ng isang beses na ensayo kada linggo sa Enero.


“We can’t even play between conferences kasi one week, one week lang ang break,” ayon pa kay Reyes.


“In between second and third (conferences) may All-Star weekend pa, so we’ll have our once-a-week starting January, starting on the first Monday.”


“Hindi naman kami pupunta sa Spain para magbakasyon. We have a mission to accomplished and how can we do that if we can’t prepare and train properly,” dagdag pa nito.


Ang huling koponan na nakapasok sa FIBA World ay ang 1986 Philippine Team na nagkampeon sa FIBA Asia na kinabibilangan nina Samboy Lim, Hector Calma, Jerry Codinera, Allan Caidic at ngayo’y Air21 Express coach Franz Pumaren.


Ngunit hindi sila nakasali sa FIBA World competition dahil sa nangyari noong EDSA revolution. – Marivic Awitan


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Coach Reyes, nababahala sa Gilas


No comments:

Post a Comment