Friday, November 15, 2013

Christmas Party, huwag kanselahin

“Ituloy ang pagdiriwang sa Pasko, kahit simple!”


Ito ang binigyang-diin ni Dr. Lourdes Ladrido-Ignacio sa panayam ng Balita sa gitna ng ulat na pagkansela ng ilang sektor ng kani-kanilang Christmas Party kasunod ng matinding pananalasa ng super bagyong ‘Yolanda’ na nag-iwan ng masakit na alaala sa sambayanan.



“Mabisa itong paraan para maibsan ang bigat sa ating dibdib,” sabi ni Ignacio.


Aniya, makabubuting magsagawa ng psychosocial activities, tulad ng songfest o sportsfest, para maiwaglit ang trauma na likha ng super typhoon.


Una nang inihayag ni Ignacio na dapat magsagawa ng masasayang aktibidad ang mga komedyante sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.


“Ang mapatawa at mapangiti sila o mayakap ang kanilang idolo ay malaking kaginhawaan sa kalooban nila (biktima),” ani Ignacio.


Inihayag din niya na dapat sumailalim sa stress debriefing ang responders, rescuers at nagsasagawa ng relief o medical mission, gayundin ang mga mamamahayag na nagko-cover dahil matindi rin ang epekto ng trahedya sa mga ito.


“Pati si Pangulong (Noynoy) Aquino at miyembro ng gabinete na involved ay kailangan din ng breathing space dahil tao rin sila,” sabi pa ni Ignacio.


Sinabi pa ni Ignacio na mabigat din ang epekto ng bagyo sa mga nakaligtas, lalo na ang mga nawalan ng mahal sa buhay, dahil matindi ang survivors’ guilt sa kanilang isipan at damdamin. – Mac Cabreros


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Christmas Party, huwag kanselahin


No comments:

Post a Comment