Tuesday, November 26, 2013

CBCP sa gov’t: Biktima ng Zambo siege tulungan din

NANAWAGAN si Cardinal Luis Antonio Tagle, arsobispo ng Maynila, sa pamahalaan na huwag kalimutan at pabayaan ang libu-libong residente ng Zamboanga City na biktima ng stand-off sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng Moro National Liberation Front-Misuari faction noong Setyembre.


Ayon kay Tagle, hindi pa rin nakakabangon hanggang sa kasalukuyan ang mga taga-Zamboanga City na nawalan ng tirahan matapos sunugin ng MNLF, kaya dapat din silang pagkalooban ng tulong.


Aniya, higit na nangangailangan ang mga apektadong residente ng rehabilitasyon upang ganap na makabangon.


Nauunawaan naman ng Cardinal na kailangan ding bigyan ng atensiyon ng pamahalaan ang ilang bahagi ng Visayas dahil sa pananalasa ng super bagyong Yolanda at epekto ng malakas na lindol, ngunit hindi naman aniya dapat na kalimutan ang rehabilitasyon sa Zamboanga City, kung saan mahigit sa 100-residente ang naapektuhan.


“When you look at the destruction in Bohol, in Cebu, when we see the destruction in Zamboanga, mukhang nakakalimutan na ang rehabilitation, not complete ang situation, volatile,” ani Tagle.


Kaugnay nito, binigyang-diin pa ni Tagle na ang matatag na pananampalataya, pagmamahal at pagpapahalaga sa bawat isa ang tanging makapagpapabangon sa bansa mula sa iba’t ibang pagsubok na dulot ng kalamidad at lindol.


Ipinagmamalaki din ng Cardinal ang masiglang pananampalataya ng mga Pilipino na patuloy na bumubuo sa bansa at nagbibigay ng pag-asa sa mga nasalanta ng bagyo at lindol na makabangon mula sa trahedya.


Ayon kay Tagle, dahil sa ipinakitang walang kapantay na pagmamahal ng mga Pilipino sa bawat isa, may dahilan ang mga Pilipino at mga biktima ng trahedya na ipagdiwang ang pag-asa.


Ipinaalala rin ni Tagle sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na ang tunay na lider ay naglilingkod ng tunay sa bayan at isinaalang-alang ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan at hindi ang sarili.


The post CBCP sa gov’t: Biktima ng Zambo siege tulungan din appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



CBCP sa gov’t: Biktima ng Zambo siege tulungan din


No comments:

Post a Comment