Thursday, November 14, 2013

Cagayan, TMS, agawan sa liderato

Ni Angie Oredo


Laro ngayon: (The Arena San Juan)

2 pm Cagayan vs TMS (W)

4 pm Cignal vs Petron (W)

6 pm Systema vs Maybank (M)


Agawan sa solong liderato ang kapwa isasagawa ngayon ng may malinis na kartadang Cagayan Valley at first conference champion na TMS Army sa eliminasyon ng papainit na Philippine Super Liga Grand Prix 2013 sa The Arena sa San Juan.


Magkakagitgitan ang Cagayan at TMS Army, hangad mapanatili ang malinis na karta, sa ganap na alas-2:00 ng hapon na agad susundan nang salpukan ng kapwa naghahangad ng kanilang unang panalo na Petron Blaze at ang pumangalawa noong unang kumperensiya na Cignal sa ganap na alas-4:00 ng hapon.



Inaasahan din ang matinding salpukan sa men’s division sa pagitan ng Systema kontra Mayban sa alas-6:00 ng gabi.


Pinalasap ng kabiguan ng Cagayan sa opening game ang Petron sa straight sets, 25-20, 25-14 at 25-22, sa pamumuno ng isa sa dalawa nilang import mula sa Thailand na si Wanida Kotruan na nagtala ng 10 puntos. Tumulong din si Pau Soriano na may 9 puntos at 2 blocks at si Aiza Fontillas na may 3 blocks at 2 ace.


Kabaliktaran ito sa TMS Army na kinailangan naman bumalikwas mula sa pagkatalo sa first set bago nito nagawang itakas ang 4-1 set na panalo sa pagtatala ng 19-25, 25-15, 25-21, 25-16 puntos kontra sa baguhang RC Cola.


Pinamunuan ni Jovelyn Gonzaga, itinala ang 16 puntos, ang Lady Troopers na ginamit ang malalim na karanasan para walisin ang huling tatlong set para makisalo sa liderato sa liga.


Hindi naman kinaya ng Cignal ang tambalan ng US imports na sina Savannah Noyes at Kaylee Manns upang malasap ang 19-25, 25-21, 21- 25, 14-25 kabiguan kontra sa PLDT Speed Boosters.


Nagtala ang Chinese imports ng HD Spikers na sina Li Zhangzhan at Xie Lei ng 17 at 15 hits subalit hindi nito natapatan ang mainit na paglalaro ng Speed Boosterst sa ikatlo at ikaapat na yugto upang malasap ang unang talo.


Agawan din sa unang panalo sa tampok na laro sa men’s division ang Systema at Maybank na kapwa nabigo sa kanilang unang laro. Nabigo ang Systema sa PLDT MyDSL, 23-25, 23-25 at 22-25 habang minalas ang Maybank sa Gilligans, 23-25, 25-27 at 24-26.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Cagayan, TMS, agawan sa liderato


No comments:

Post a Comment