Ni Marivic Awitan
Unahang makapagtala ng kanilang ikatlong sunod na panalo na maglalagay sila kaagapay ng Cagayan Valley sa liderato ang gagawin ng mga koponang Big Chill Superchargers at ng Blackwater Sports sa kanilang pagtitipan ngayong alas-2 ng hapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2013 PBA D-league Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto ang dalawang koponan hawak ang patas na barahang 2-0, panalo-talo, kabuntot ng namumunong Cagayan Risng Suns na kasalukuyan namang nakikipaghamok sa baguhang Derulo Accelro habang isinasara ang pahinang ito sa JCSGO Gym sa Quezon City,
Huling nagwagi ang Elite laban sa Wangs Basketball, 93-80 habang nanaig naman ang Superchargers kontra sa depleted line-up ng Jumbo Plastic sa ikalawa nilang laro, 83-69.
“I hope that we can carry the momentum going into our next game which is a very tough one against Blackwater,” pahayag ni coach Roert Sison ng Big Chill na umaasa ding muling magpapakitang-gilas ang kanyang mga beteranong players na gaya nina Khazim Mirza, Janus Lozada, Jeckster Apinan at Quinton Heruela.
Maglalaro na rin ang kanilang top pick noong nakaraang draft na si NCAA Season 89 Rookie of the Year Juneric Baloria, ngunit hindi pa ito gaanong inaasahang makakapag-ambag ng malaki dahil kailan lamang ito nagsimulang mag-ensayo na kasama nila.
Sa kabilang dako, aminado naman si Elite coach Leo Isaac na mahihirapan silang tiyak sa labang ito kontra Superchargres lalo pa’t hindi aniya ganap na nabubuo ang chemistry sa kanyang team.
“We’re still a work in progress with a lot of new players in the team. It will take some more games for the team to gel,” ayon pa kay Isaac.
Samantala sa tampok na laban, hangad naman ng Cebuana Lhuillier Gems na masundan ang naitalang unang tagumpay kontra Oilers sa kanilang ikalawang laban sa pagtutuos nila ng Wangs Basketball Couriers na wala pang naipapanalo matapos ang unang dalawang laro.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment