Tuesday, November 26, 2013

BIG BROTHER

Sa pag-alis ng pinakamalaking United States aircraft carrier kamakailan pagkatapos na sumaklolo sa mga biktima ng mapaminslang bagyong Yolanda, lalong tumibay ang mga sapantaha hinggil sa pagbabalik ng US bases sa Pilipinas. Ang US – ang pinakamayaman at makapangyarihan sa daigdig – ang kauna-unahang bansa na tumulong sa mga binagyo sa Visayas. Isipin na lamang na bukod nga sa US aircraft carrier, may mga C-130 at malalaking helicopter ang walang patumangga sa paghahatid ng mga relief goods at mga pasahero na nais lumikas mula sa kani-kanilang nawasak na mga bahay.


Mistulang nagpaligsahan ang iba’t ibang bansa kabilang na ang China, sa pagsaklolo sa ating kawawang mga kababayan sa Leyte at Samar. Dumagsa ang relief goods at financial assistance na makatutulong nang malaki sa rehabilitasyon ng napinsalang mga komunidad. At patuloy pang bumubuhos ang mga tulong sa kabila ng mga haka-haka na may mga alingasngas na nagaganap sa pamamahagi ng mga relief package.


Maaaring may katotohanan na ang mabilis na pagsaklolo ng US sa ating mga pangangailangan ay may kaakibat na makasariling interes. Hanggang ngayon, pagkatapos na ipasiya ng ating gobyerno – sa pamamagitan ng Senado – ang pagpapaalis ng US bases sa Pilipinas, naroroon pa rin ang matinding paghahangad nito na buhayin ang kanilang mga himpilang pangmilitar sa bansa.


Maaaring may katotohanan din na makasarili ang intensiyon ng China sa pagsaklolo sa mga typhoon victims. Isang makabago at malaking floating hospital ang ipinadala nito upang gamutin ang mga sugatan at nagkasakit na biktima ng kalamidad. Hindi ba ang China ang nanduduro sa atin upang tuluyang maangkin ang pinag-aagawang Scarborough Shoal?


Sa takbo ng mga pangyayari, tila napipinto na ang pagbabalik ng military bases ng mga Amerikano. Hindi naman dapat ikabigla ang eksenang ito sapagkat ang lahing ito ang lagi nating nagiging kaagap sa paglutas ng mga problemang gumigiyagis sa ating lipunan. Bahagyang kibot, wika nga, tinatawag natin si Uncle Sam – ang tunay na Big Brother.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



BIG BROTHER


No comments:

Post a Comment