Monday, November 11, 2013

Batang Pinoy National Finals, iniusog sa maagang bahagi ng 2014

Ni Angie Oredo


Iniusog ng Philippine Sports Commission (PSC) kahapon ang pagsasagawa ng 2013 Batang Pinoy National Finals sa huling araw ng Enero o unang linggo ng Pebrero 2014 bunga ng matinding epekto at malawak na pagkasira sa kabuhayan at mga nakatira sa rehiyon ng Visayas.



Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na personal nitong kinausap si Bacolod City Mayor Monico Puentebella para ipaalam dito ang paglilipat sa pagdaraos ng kampeonato ng torneo na para sa mga batang atleta edad 15-anyos pababa matapos ikonsidera ang situwasyon sa rehiyon.


“We decided to postpone Batang Pinoy by late January or early February because of the situation not just in the host Bacolod City but also of their nearby provinces. Hindi puwede na ituloy natin ang torneo na ang situwasyon ay lubha na naghihirap ang mga kababayan natin,” sabi ni Garcia.


Agad naman sumang-ayon si Puentebella, na dating Philippine Olympic Committee (POC) Chairman, sa paglipat sa petsa ng Batang Pinoy matapos na maideklara din ang kanyang probinsiya na kasama sa mga lugar na nasa ilalim ng “state of calamity”.


“We grieve with our neighbors on this sad state. We are in state of calamity too. It is up to the PSC if they want to continue the Games,” ani Puentebella, na inalala rin ang mga batang atleta na magmumula sa Northern Cebu, Roxas City at Iloilo City na nadurog din sa bagyo.


Ninais naman ni PSC Commissioner at Batang Pinoy in-charge Jose Luis Gomez na isagawa sa Disyembre ang torneo subalit hindi ito sinang-ayunan ni Garcia.


“It is too close. Marami pa tayong kababayan na hinahanap at posibleng hinuhukay at that time,” sabi ni Garcia.


Una nang iminungkahi ng isang mataas na opisyal sa PSC ang posibleng pagkansela sa national finals ng Batang Pinoy at maging ang partisipasyon ng bansa sa 27th Southeast Asian Games sa asam nitong tulungan ang mga naging biktima ng super typhoon na si Yolanda sa probinsya ng Tacloban at Leyte.


Sinabi ng opisyal na ang suhestiyon ay kung papayagan naman ng pamunuan ng PSC at maging Philippine Olympic Committee (POC).


Gagastos ang PSC ng kabuuang P5-milyon para sa pagsasagawa ng national finals mula sa kabuuang nitong itinakdang pondo na P20-milyon para sa apat na yugtong Batang Pinoy habang inaasahan itong gagastos ng mahigit na P80-milyon sa pagpartisipa sa SEA Games.


Ang SEA Games ay nakatakdang isagawa sa Disyembre 11 hanggang 22 kung saan kabuuang 285 katao ang sasama sa delegasyon na binubuo ng 211 atleta.


Iniisip ng opisyal ang kapakanan ng mga nasalanta ng bagyo partikular ang mga nawalan ng kanilang mahal sa buhay, mga nawalan ng tirahan, mga batang patuloy na nagugutom at ang inaasahang matagal na pagbangon tungo sa muling normal na buhay ng mga nakatira sa nasalantang probinsiya.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Batang Pinoy National Finals, iniusog sa maagang bahagi ng 2014


No comments:

Post a Comment