Tuesday, November 26, 2013

Anderson Cooper, dedma lang sa mga patutsada at pahayag ni Korina Sanchez

NOONG nagdaang linggo, November 15 ng hapon, naispatan namin si Mariel Rodriguez, ang butihing maybahay ng action star na si Robin Padilla, sa hallway ng ABS-CBN. Kaya naman kaagad namin siyang tinanong kung lumipat na ba siya sa Kapamilya network at iniwan na niya ang TV5? Sa totoo lang, kahit hindi pa nahihimasmasan si Mariel sa magkakasunod naming mga katanungan ay kaagad niya kaming sinagot na may ka-meeting lang daw siya at kanyang kakausapin lamang daw si Direk Lauren Diogi. Well, ano naman kaya ang pinag-usapan nila? May balita kasing nakarating sa amin na babalik na ulit sa ABS-CBN ang Pinoy Big Brother. Originally kasi, isa siya sa mga main host ng PBB kasama si Toni Gonzaga. Kung sakali ngang matutuloy ang usapan sa pagitan ni Direk Lauren at Mariel, totoo na kaya ang mga tsismis na tuluyan nang iiwan ni Mariel ang kapatid network (TV5)? Kunsabagay, matagal na talagang gustong-gustong bumalik ni Mariel sa ABS-CBN. Kaya lang, hindi pa yata tapos ang kanyang pinirmahang kontrata sa TV5, kaya paano naman siya makababalik sa ABS-CBN? Anyway, kung si Mariel ay magbabalik Dos, ang kanyang husband na si Robin Padilla ay magbabalot naman dahil sa ang balitang nakarating samin ay finished contract na ito sa nabanggit na network. Ang unang balitang nakarating pa nga sa amin, excited na raw si Binoy nang malaman niyang matatapos na ang kanyang kontrata sa channel 2 para sundan ang kanyang beloved wife sa TV5. And speaking of Mariel Rodriguez, sobrang natuwa raw ito sa balitang pagbabati ng magkapatid na si BB Gandang Hari at Robin Padilla. Actually excited na nga si Mariel na masimulan kaagad ang sinasabing proyekto or pelikula na umano’y pagsasamahan ng magkapatid na Padilla. Magandang regalo raw kay Mariel at sa buong clan ng Padilla lalo na sa nalalapit na Pasko ang pagkakasundo na ito nina Robin at BB. ### SOBRANG nakatutuwa naman ang malaking tulong na ginawa ng CNN at controversial host na si Anderson Cooper lalo na sa mga nangyaring delubyo kaugnay sa bagyong Yolanda. Kung hindi dahil sa panawagan ni Anderson Cooper, hindi siguro nabuksan ang isip, diwa at puso ng ilan sa mga kalapit nating bansa para magbigay ayuda at tulong sa mga nasalanta ng Yolanda partikular na sa Tacloban, Giwan, Iloilo at Roxas City Capiz. Nang dumating sa bansa si Anderson Cooper para mag-interview sa mga victim ng Yolanda sa Tacloban, sinabi nito na parang hindi niya naramdaman ang presence ng ating gobyerno. At ang unang tinamaan ng patutsada ni Cooper nang bonggang-bongga on national television ay itong si Korina Sanchez na naroroon sa Tacloban that day. Kaya ang unang tinamaan sigurado ay si Kuya Mar at sigurado kaming nagsumbong ito sa kanyang beloved wife na si Korina Sanchez na kaagad namang rumesbak na nagpuputak patungkol kay Anderson Cooper. Anyway, ang totoo niyan ay talagang lumabas kahit na anong gawin mong pagtatakip dahil hindi lang mismong si Anderson Cooper at iba pang foreign media ang nakaranas ng sinasabing paghihirap ng ating mga kababayan na naaktuhan mismo nila Cooper sa Tacloban kaya nu’ng makarating sa kanya ang naturang pagtatalak ni Korina sa kanyang show sa ABS-CBN, partikular na sa TV-Patrol at radio program sa DZMM, ay dinedma na lang ito ni Anderson Cooper. Una sa lahat, hindi naman pala kilala ni Anderson Cooper si Korina at hindi nga niya alam na si Korina Sanchez ang isa sa mga sikat na TV-reporter dito sa Pinas. Saying nga lang at hindi napuntahan ni US correspondent ang bayan ng Roxas City Capiz na mismong pinagmulan ng DILG secretary na si Mar Roxas. Naghihimutok kasi ang mga kababayan namin du’n kay DILG Secretary Mar Roxas dahil sa hindi man lang daw nila maramdaman ang presence nito. Wala rin daw ayuda na pinaparating si DILG Sec. Mar Roxas bilang tulong sa kanyang mga kababayan na sobrang inararo rin at halos nawalan na ng kabuhayan sa Roxas City Capiz. Ang tanong, makakuha pa kaya ng boto si Mar Roxas sa taga-Roxas City Capiz? Mag-esep-esep na lang kayo. ### SA isang interview, mataray na ipinahayag ni Sylvia Sanchez na hindi niya pinakikialaman ang tungkol sa lovelife ng kanyang anak at aktor na rin, na si Arjo Atayde. Ayon kay Ibyang, nasa wastong isip na raw si Arjo kaya naman hinahayaan niya na itong mamili ng babae o makarelasyon. Pero malihim daw si Arjo sa mga babaeng nililigawan nito kaya naman hanggang ngayon ay wala pang alam si Sylvia kung sino sa mga babaeng nali-link kay Arjo ang nililigawan nito. Basta ang alam ni Sylvia ay torpe pagdating sa mga chicks ang gwapong anak. At kung sakali man daw isang araw ay mag-uwi ng babae sa bahay nila si Arjo, sisiguraduhin daw muna niya sa kanyang anak kung ready na ba itong pumasok sa isang relasyon. Sa totoo lang, ayaw pa talaga ni Sylvia na maglaro ng mga babae si Arjo para raw maiwasan ang mga problema. Sa ngayon super busy itong si Arjo sa kanyang mga proyekto. Ayon pa kay Sylvia, hintayin na lang daw niyang magpaalam sa kanya si Arjo na may nililigawan na siyang babae.


The post Anderson Cooper, dedma lang sa mga patutsada at pahayag ni Korina Sanchez appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Anderson Cooper, dedma lang sa mga patutsada at pahayag ni Korina Sanchez


No comments:

Post a Comment