Tuesday, November 5, 2013

Amit, handa na sa SEAG

Muling kubrahin ang dalawang gintong medalyang nakataya sa 27th Southeast Asian Games ang susunod na isasakatuparan ni Rubilen Amit matapos na muling ibulsa ang ikalawang titulo ng 2013 Women’s World 10-Ball Championships.



“Hindi ko po maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Masayang-masaya po ako dahil napatunayan ko na kaya ko pa rin manalo. Matagal din po akong nasa slump at halos ilang beses na akong muntik na matanggal sa national team pero ngayon po ay unti-unti po akong nakabalik,” sinabi ni Amit.


Mataas ang kumpiyansa at nagbalik ang pagtitiwala sa sarili ng Filipina cue artists na si Amit matapos talunin si Kelly Fisher ng Great Briatin, 10-7, upang maging unang dalawang beses na tinanghal na kampeon sa torneo.


Matatandaan na si Amit din ang naging unang kampeon sa torneo nang simulan ang kampeonato noong 2009 bago nito naulit sa ikalimang edisyon ng torneo.


“Nagbunga po ang pagtitiyaga ko na sanayin ang isip ko sa mga krusyal na labanan na tulad nito. Marami po kasi talaga ang nagsasabi na kinakapos ako kaya po nagtiyaga ako ng mahabang oras sa paglalaro para masanay,” pahayag pa ni Amit, tinanghal na SEA Games 8-Ball at 9-Ball gold medalist noong 2009.


Agad napag-iwanan si Amit sa mga naunang racks kontra Fisher bago nito itinala ang pinaka-una niyang malaking korona at isa sa pinakamalaking naiuwing premyo sapul nang magwagi noong 2009.


“Paghahandaan ko naman po ang SEA Games,” giit ni Amit, una nang nanalo ng tansong medalya sa ginanap na World Indoor and Martial Arts Games sa Korea.


Ilang beses na itong matanggal sa pambansang koponan bilang isa sa priority athletes nang mabigo sa Philippine National Games (PNG) na inorganisa ng PSC.


Nakatakda naman itong lumahok sa 9-Ball at 10-Ball sa darating na 27th SEA Games sa Naypyitaw, Myanmar kung saan kabuuang 12 gintong medalya ang nakataya sa billiards and snooker. – Angie Oredo


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Amit, handa na sa SEAG


No comments:

Post a Comment