Saturday, November 23, 2013

7,000-ektarya ng N. Ecija, inaangkin ng N. Vizcaya

CABANATUAN CITY – Nagmistulang ala-Spratlys at Sabah claims ang usapin sa 7,000-ektaryang lupain ng Nueva Ecija na inaangkin ngayon ng Nueva Vizcaya, kasunod ng cadastral survey na sinasabing isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 2 kamakailan.



Sinabi ni Provincial Board Member Joseph Ortiz na kailanman ay hindi maaaring angkinin ng pamahalaang bayan ng Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya ang lupaing sakop ng Pantabangan.


Ayon naman kay Pantabangan Mayor Lucio Uera, inireklamo nila kay Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Matias Umali ang aniya’y “illegal encroaching” sa Pantabangan na isinagawa ng DENRRegion 2 at Santa Cruz Surveying Office (SCSO).


Kaugnay nito, inatasan si Vice Gov. Jose Gay Padiernos na agad magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa pagangkin sa “territorial boundaries” ng Pantabangan at Nueva Vizcaya.


Sa pamamagitan ng isang resolusyon, kinuwestiyon din ng Sangguniang Bayan ang cadastral survey ng SCSO at DENR-Region 2, na pinangunahan ng executive regional director.


Iginiit din na ang nasabing hakbang ng DENR-Region 2 director ay hindi umano naaayon sa batas, dahil walang pormal na abiso ang tanggapan na magsasagawa ng cadastral survey na umano’y ginawang “unilaterally” at wala ni isa mang kinatawan ang DENR-Region 3.


Sinabi pa ni Ortiz na ang kontrobersyal na 7,000-ektarya na inaangkin ng Castañeda ay pag-aari ng Pantabangan at doon nakabase ang higanteng Casecnan Dam na pinagkukunan ng koleksiyon ng real property tax ng pamahalaang bayan.


Kaugnay nito, hiniling naman ng Sangguniang Panglalawigan sa DENR-Region 3 na agad magsagawa ng kaparehong cadastral survey upang malaman kung alin sa dalawang lalawigan ang tunay na nakasasaklaw na pinag-aagawang lupain. – Light A. Nolasco


.. Continue: Balita.net.ph (source)



7,000-ektarya ng N. Ecija, inaangkin ng N. Vizcaya


No comments:

Post a Comment