Monday, November 25, 2013

12 koponan, tuloy ang paghataw

Kabuuang 12 koponan na lamang ang mag-aagawan sa titulo matapos na mapatalsik ang apat na iba pa sa 1st PSC Chairman’s Baseball Classic sa makasaysayang Rizal Baseball diamond.


Namaalam sa torneo ang magkapatid na koponang Bulacan State University at Bulacan Agricultural State College, kasama ang seleksiyon ng mga manlalaro mula sa ILLAM na Throwback at Dragons.



Nanatili naman ang tsansa ng Philippine Air Force at DLSU-Zobel, kasama ang UST at Titans, na kapwa may tig-isang panalo at isang talo, matapos iuwi ang importanteng panalo sa torneo na posibleng pagbasehan sa mga manlalarong bubuuo sa pambansang koponan.


Sinandigan ng Zobel ang limang run sa ikalawang inning at maging ang matinding pag-pitch ni Gino Tantuico tungo sa importanteng 7-3 panalo kontra sa Throwback. Itinala ni Tantuico ang 5 strikeout habang nagbigay ng dalawang hits sa pitong inning na pagpukol upang manatili sa double round elimination format na torneo.


Bumangon naman ang Air Force sa masaklap na unang pagkatalo sa 2013 PNG champion na Philab matapos na turuan ng leksiyon ang Dragons, 10-0.


Kinailangan lamang ng Air Force ng apat na inning upang tapusin ang laban via mercy rule at buhayin ang tsansang makipag-agawan sa korona at espesyal na mga karangalan na nakataya sa torneo. – Angie Oredo


.. Continue: Balita.net.ph (source)



12 koponan, tuloy ang paghataw


No comments:

Post a Comment